Umiinom ako ng PrEP para maiwasan ang HIV. Ito ang gumagana para sa akin.

PRE-EXPOSURE PROPHYLAXIS (PrEP)

Ano ang PrEP?

Ang Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP) ay isang gamot na iniinom ng mga indibidwal na negatibo sa HIV upang hadlangang maging positibo sila sa HIV. Ang PrEP ay angkop para sa sinumang nasa panganib na maimpeksyunan ng HIV at inirerekomenda para sa mga lalaking gay at bisexual na nakikipagtalik nang walang kondom sa mga katalik na hindi alam ang katayuan ng kanilang HIV.

Paano gumagana ang PrEP?

Ang PrEP ay lumilikha ng panghadlang sa loob ng iyong katawan at pinoprotektahan ka laban sa HIV.

Kapag ininom ayon sa pagkareseta, ang PrEP ay isang lubos na mabisang paraan sa paghadlang ng HIV

May anumang mga side effect ba ang PrEP?

Naipakita ng pananaliksik na ang PrEP ay maaaring magkaroon ng ilang bahagyang mga side effect kabilang ang pagduruwal at sakit ng ulo, gayunpaman, ang mga ito ay karaniwang nawawala sa loob ng isang linggo. Ang ilang tao ay wala man lang nararanasang mga side effect. Kung ikaw ay makaranas ng mga side effect na tatagal nang mahigit sa isang linggo o umaapekto sa kakayahan mong inumin nang tama ang PrEP, kausapin ang iyong doktor.

Lahat ng umiinom ng PrEP ay kailangang magpatingin sa kanilang doktor tuwing 3 buwan upang kumuha ng bagong reseta para sa PrEP. Sa mga regular na pagpapatinging ito, titingnan ng doktor kung paano mo nakakayanan ang gamot. Mainam na ideya rin ang paghiling ng isang lubos na pagsusuri ng kalusugang sekswal habang ikaw ay naroon.

Paano mo iinumin ang PrEP?

May ilang paraan ng pag-inom mo ng PrEP, kabilang ang:

  • Daily (Araw-araw);
  • On-Demand (Kung Kailangan); at
  • Periodically (Pana-panahon).

Ang PrEP ay angkop para sa sinumang nasa panganib ng HIV


Ano ang Daily PrEP?

Ang Daily PrEP ay kinapapalooban ng pag-inom ng isang PrEP na pildoras araw-araw. Inirerekomenda ang Daily PrEP para sa sinumang nasa panganib ng HIV anuman ang kasarian o oryentasyong sekswal.

Kapag umiinom ng daily PrEP, pinakamainam na gawin itong bahagi ng iyong pang-araw-araw na nakagawian. Ilagay ito sa tabi ng iyong kama at inumin ito sa umaga paggising mo o ilagay ito sa banyo para mainom mo ito pagkapos magsipilyo ng iyong ngipin. Anumang arawang gawain ay maaaring makatulong sa iyong magpaalala na inumin mo ang iyong PrEP araw-araw.

Panoorin ang video sa ibaba upang malaman ang higit pa sa pag-inom ng daily PrEP.

10 Bagay na Kailangan Mong Malaman Tungkol sa Daily PrEP

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa daily PrEP, pumunta sa PrEP Access Now (PAN).


Ano ang On-Demand PrEP?

Ibig sabihin ng On-Demand PrEP ay maiinom mo ang iyong gamot na PrEP sa magkakaibang oras kapag alam mong ikaw ay makikipagtalik.

Kinapapalooban ng On-Demand PrEP ang:

  • Pag-inom ng dalawang pildoras nang 2-24 oras bago makipagtalik; pagkatapos ay
  • Pag-inom ng isa pang pildoras 24 na oras makaraang inumin ang naunang dosis na dalawang pildoras; pagkatapos ay
  • Pag-inom ng isang panghuling pildoras 24 na oras matapos ang pangalawang dosis.

Dapat mong inumin ang On-Demand PrEP sa tamang oras ayon sa iskedyul. Kung naiplano at nainom nang angkop, ikaw ay mapoprotektahan ng On-Demand PrEP laban sa HIV

Tama kaya ang On-Demand PrEP para sa akin?

Inirerekomenda lamang ang On-Demand PrEP para sa:

  • Mga Cis-gendered na lalaki na nakikipagtalik sa ibang lalaking walang talamak na impeksyon ng hepatitis B.

Ang On-Demand PrEP ay hindi pa klinikal na napatunayang nakakaprotekta sa mga lalaking trans, babaing trans, babaing cisgender, o lalaking heterosexual laban sa HIV.

Magaling ka bang sumunod sa mga iskedyul?

Kailangang sundin mong mabuti ang iskedyul ng mga dosis ng On-Demand PrEP. Ibig sabihin, kapag may isang dosis na hindi nainom, ang ganitong klase ng paghadlang ay maaaring hindi gumana. Kung ikaw ay karaniwang makakalimutin sa pag-inom ng gamot o nahihirapang tandaan ang oras, marahil ay hindi pinakamabuting opsyon para sa iyo ang On-Demand. Gayunpaman, may mga mungkahi na maaari mong gamitin para iyong maalala kung kailan mo kailangang inumin ang On-Demand PrEP, gaya ng paggamit ng alarma o paalala sa iyong telepono.

Ang halaga ba ay isang dahilan?

Ang On-Demand PrEP ay kinapapalooban ng pag-inom ng mas kaunting mga pildoras kumpara sa daily PrEP (arawan), kaya magiging mas makakayang bilhin dahil iinom ka ng mas kaunting mga pildoras sa kaparehong panahon. Kung ikaw ay dumaranas ng pinansyal na paghihirap na maaaring humadlang sa pag-access mo sa PrEP, kung gayon, pumunta sa PrEP Access Now dahil maaaring makapagbigay sila ng access sa PrEP.

Gaano kadalas ka nakikipagtalik?

Isang karaniwang dahilan kung bakit ang mga lalaki ay humihinto sa pag-inom ng PrEP araw-araw ay dahil hindi sila nakikipagtalik nang madalas kaya tila walang-saysay ang pag-inom ng pildoras araw-araw. Para sa sinumang nakikipagtalik nang dalawang beses sa isang linggo, ang daily PrEP ang opsyong inirerekomenda— magiging handa ka para sa aksyon kailan man ito mangyari.

Gaano ka kakomportable sa pag-inom ng mga pildoras?

Hindi lahat ay komportableng uminom ng gamot araw-araw. Maaaring mas nakakaakit ang On-Demand PrEP dahil ikaw ang magpapasya kung kailan mo ito gustong gamitin. Hangga't makakapagplano ka nang maaga o maaantala ang pakikipagtalik nang mga dalawang oras makaraang inumin mo ang gamot, maaaring palakihin ng On-Demand PrEP ang iyong proteksyon habang binabawasan ang dami ng mga pildoras na iyong iinumin.

Kung ikaw ay komportableng uminom ng isang pildoras araw-araw, kung gayon, ang daily PrEP ay magaling na piliin.

Upang alamin ang higit pa tungkol sa pag-inom ng On-Demand PrEP at kung ito ay tama para sa iyo, mangyaring panoorin ang video sa ibaba.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa On-Demand PrEP, pumunta sa PrEP Access Now (PAN).


Ano ang Periodic PrEP (Pana-panahong PrEP)?

Ang Periodic PrEP ay kinapapalooban ng pag-inom ng isang pildoras ng PrEP araw-araw ngunit para lamang sa isang tiyak na panahon. Halimbawa, kung ikaw ay maglalakbay o dadalo sa isang festival na tatagal nang isang linggo.

Inumin mo ang iyong PrEP na pildoras araw-araw habang ikaw ay nasa ibang lugar at patuloy kang mapoprotektahan laban sa HIV sa panahong iyon. Tandaang mainam na gawing bahagi ng iyong nakagawian araw-araw ang pag-inom ng PrEP na pildoras, lalo na kung hindi ka sanay uminom ng gamot araw-araw.

Ang Periodic PrEP ay maaari ring isang nakakatulong na paraan upang simulan ang PrEP kung hindi ka dating nakagamit nito at gusto mong malaman kung ano ang magiging reaksyon ng iyong katawan.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa periodic PrEP, pumunta sa PrEP Access Now (PAN).


Muling Paggamit ng PrEP

Nang lumitaw ang COVID, huminto pansamantala ang ating mga pakikipagtalik. Pinag-isipan ng mga lalaking gumagamit ng PrEP upang hadlangan ang HIV kung kailangan nila itong patuloy na inumin sa panahon ng lockdown dahil huminto sila sa pakikipagkita sa ibang mga lalaki sa panahong iyon. Natuklasan ng isang pag-aaral kamakailan na halos 40% ng mga lalaking gumagamit ng PrEP ang huminto sa pag-inom nito sa panahon ng lockdown.

Ngayong maaari na tayong makipagkitang muli sa ibang tao, ang ilang mga lalaki ay nagsisimulang pag-isipan kung paano sila iinom ng PrEP at paano sila makakabalik sa paggamit nito.

Narito ang ilang makakatulong na impormasyon at mungkahi tungkol sa muling paggamit ng PrEP.

  • Kapag pinag-iisipan ang muling paggamit ng PrEP, ang unang bagay na isasaalang-alang ay kung kailan ka huling nagpasuri para sa HIV at STI? Kung ikaw ay hindi nasuri sa nakalipas na 3 buwan, kailangan mong makipag-appointment sa iyong klinika ng GP o sexual health centre (sentro ng kalusugang sekswal).
  • Bago pumunta sa doktor, tingnan kung may natitira kang mga pildoras at tingnan kung ang mga ito ay lampas na sa panahon. Tiyaking ang mga ito ay naka-imbak sa isang malamig at tuyong lugar dahil maaaring masira ng init ang PrEP at gawing walang bisa ito sa pagprotekta sa iyo laban sa HIV.
  • Dapat mo ring tingnan kung mayroon ka pang aktibong reseta at kung ito ay malapit nang lumampas sa panahon. Maaaring gusto mong magpatingin sa iyong doktor bago ka uminom ng PrEP.
  • Kausapin ang iyong doktor tungkol sa iba't ibang paraan ng pag-inom ng PrEP at alamin kung ano ang pinakamainam para sa iyo. Maaari kang makahanap ng karagdagang impormasyon sa PrEP Access Now (PAN).

Ang PrEP ay isang napaka-epektibong paraan ng paghadlang sa HIV


PrEP, Pagsusuri at mga STI

Kung gumagamit ka man ng daily, On-Demand o periodic PrEP, kailangan mo pa ring magpasuri para sa HIV at iba pang mga STI tuwing 3 buwan. Ang regular na pagpapasuri ay mahalagang bahagi ng pag-inom ng PrEP at pangangalaga rin ng iyong kalusugang sekswal.

Tandaan, ang PrEP ay isang paraan lamang upang hadlangan ang HIV. Hindi nagbibigay ng anumang proteksyon ang PrEP laban sa iba pang mga STI. Kung ikaw ay magpasyang tigilan o dalangan ang paggamit ng mga kondom, mahalagang regular na magpasuri ng kalusugang sekswal upang kung ikaw nga ay magkaroon ng STI, maaaring madali itong madiyagnos at magamot.

Saan maaaring pumunta

Sa Australya, may ilang mga opsyon para maka-access sa PrEP. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang PrEP'D For Change o PrEP Access Now (PAN). May ilang mga opsyon at gastusin na kaugnay sa pag-access sa PrEP depende kung ikaw ay mayroong Medicare o wala.

Kung ikaw ay may mga tanong tungkol sa PrEP at gusto mong makipag-usap sa isang tao, maaari mong tawagan ang HIV prevention information line (linya para sa impormasyon sa paghadlang ng HIV) sa 1800 889 887 at makipag-usap sa isang rehistradong nars ng sexual health.